Sunday, March 13, 2011

Cuaresma



Ang uica'y matatalian,
Daracpin nang sandatahan,
Mumurahi't di igagalang,
Siya'y pagiiuan naman
Discipulong caibigan.


Totobonga't isosombong,
Daraiguin sa pagtotol,
Casinongalingan yaon
Doon nila ioolong
Cay Poncio Pilatong hocom


Ang manga hula pa't isip,
Ay hahampasing masaquit
Nang limang libong mahiguit,
At popotongan nang tinic
Ang Olo niyang mariquit.


At toloy susugatan dao
Yaong dibdib niyang mahal
Uala na niyon ang buhay,
Toloy ibabaon naman
Sa baonang hirang.

- Mahal na Passion ni Jesu Christong Panginoon Natin na Tola,
  G. Aquino de Belen

Ngayong pagsapit ng Cuaresma ay tila yatang mas lalo pang tumitindi ang aking mga pagkukulang. Mainitin anf ulo ko; mayabang ako; makasarili ako; at hinding hindi ko maukha maging positibo sa maraming bagay. Imbes na maging malumanay, mas tumitingkad pa yata ang bagsik ng aking galit sa mundo, at maging mga magulang ko ay napapasuko na lamang dahil sa kawalan ko ng modo paminsan-minsan. Napakadaling mabinyagan at tawagin ang sarili bilang Kristiyano; iyan ay alam ng lahat ng kinagisnan ang pananampalataya ng Santa Cruz. Ngunit mas mahirap ang mabuhay bilang isang Kristiyano: ang kalimutan ang sarili, at unahin ang kapakanan ng iba; ang magmahal ng walang kondisyon, maliw, o hangganan. Kani-kanina lamang ay napasali na naman ako sa isang away, at dahil dito, sumabog na naman ang pilit na tinatagong kabagsikan, at nakapagwika ng masakit--tunay na masakit-- sa aking mga minamahal. Sa isang banda ay hindi na rin ako nabibigla; kilala ko na nang sapat ang aking sarili bilang isang taong kayang-kaya magwika ng nakasasakit noon pa man. Ngunit ang hindi ko inakala ay ang aking kabihasnan sa gawaing ito. Sabi nga ni Dostoevsky sa The Brothers Karamazov, tao lamang ang kayang gawing isang sining ang kasamaan. Ang tao lamang, sa lahat ng mga kinapal sa gumagapang o lumalangoy o lumilipad sa sangkalupaan, ang may kakayahan maging metikuloso at artistiko sa larangan ng pananakit sa kanyang kapwa. Natatakot ako na dumating na ako, at hindi na makaaalis, sa ganitong estasyon. Na nagagawa ko nang planuhin at pagisipang mabuti ang paggawa ng kasamaan sa mga minamahal ko na wala man lang takot sa paghihiganti ng Diyos, na hindi na ako nasisindak sa katotohanang pamilya ko na ang naapektuhan ng init ng ulo ko, ay nakalulungkot isipin. Marahil siguro ay tumatanda na nga ako, at unti-unti ko nang naaaninag, kahat bahagya pa lamang, na malayo pa ang tatahakin ko; at sa gayon, malayo pa rin ang hahantungan ng aking pagiging makasarili. Ayo kong isipin ang mga di-maaninag na dulo ng pagiging mabagsik ko.

Ang mga bersong sinipi ko sa taas ay nagpapakita, sa isang banda, ng mga sukdulan na kayang matamo ng kasamaan ng tao. Diyos mismong nagkatawan tao ang pinagbuntungan natin ng karumaldumal at 'di kapani-paniwalang kalupitan. Pinadugo natin siya at sinugatan ng ating inipong malisya: mula sa kanyang mukha, hanggang sa kanyang mga kamay at paa. Winasak ng tao ang mukha ng kanyang Tagapagligtas; at hindi na tayo nahiya. Hindi na tayo natakot. At hindi na tayo natuto. Ang kanyang pagmamahal ay sinalubong natin ng pangungutya at kamatayan. Sa mga ganitong oras, halos naaamoy ko na ang baho ng apoy at asupre ng Impiyerno, at ang bakal ng martilyo na nagbaon ng mga pako sa kanyang kasantu-santuhan niyang mga kamay. Ngunit kahit hindi ko man makuhang maluha sa ngayon sa aking mga pagkukulang, buong puso kong idinadalangin sa Kaniya na ako'y patawarin: dahil ako ay lubhang nagkasala, at dahil din sa ako'y lubhang magkakasala pa rin.

Cuaresma na naman ulit, at gaya ng dati at lagi, dadami at hahaba na naman ang mga pila para sa Confesion. Marahil ay naging taunang ritual na lamang ito sa karamihan, pampapogi, ika nga, sa harap ng Diyos.At kadalasan ay ganito rin ang nararamdaman ko; paulit-ulit na lamang ang mga kasalanan ko at parang hindi na naiiba o nasosolusyunan. Ngunit kapag kaharap mo na ang katawang iyan, na sinugatan at pinagpakasakit alang-alang sa iyo, sa atin, sa akin: hinding hindi mo maiiwasang hindi mapahiya. Dahil ang kaharap mo, natin, ko, ay sadyang inosente at walang bahid ng kasalanan. Napapasigaw na lamang ang kaluluwa ko, na tila bang nilalamon ng mga apoy ng Purgatorio: Panginoon, kaawaan at patawarin mo ako, alang-alang sa iyong pusong lubos na nagmahal at nagmamahal, ngunit hindi namin makuhang mahalin--at maunawaan-- nang lubusan.


Lord, forgive me, for I know exactly what I am doing.

No comments: